Friday, November 16, 2007

Magtrabaho Ka!

Natatawa ako. Napaisip din ako. Iba pala talaga ang magagawa sa tao ng musika. Pwedeng magbago ang nararamdaman mo sa isang iglap. May mga pagkakaktaong nagbabalik-tanaw tayu sa magaganda at mapapait na pangyayari sa buhay natin nang dahil sa isang awitin. Nakaka-frustrate din kung maaalala mo yung mga magagandang pangyayari sa buhay mo na nagpa-inspire sayo tapos hindi mo na pwedeng balikan. Yan ang nararamdaman ko ngayon.

Ang musika nga para saken ay isang imbensiyong "time-capsule". Na hindi tapos. Papano ba naman hanggang balik-tanaw lang ang nagagawa nito. Di yata natapos ng nakaimbento sa kapapanood ng Mara Clara at Aguila. Minsan kasi mas gusto ko pang wag na lang maramdaman yung mga nakaraan, maganda man o pangit, kung di ko naman pwedeng balikan. Mas gusto kong mabuhay sa ngayon.

Eh ganon talaga. Hindi mo maiiwasang makarinig nang musika. Ayoko namang maging bingi. Wag ganun. Pero ang lalong hindi ko maiwasan eh maging senti-mode madalas. Yung tipong makulimlim. Umuulan sa labas. Pumapatak sa salamin ng bintana ang tubig-ulan habang ako, nakaupo, nakapangalumbaba, malayo ang tingin, nakikinig sa 90's song.

Again, ideya lang yun ng senti-mode. Iisa lang naman kasi ang area sa bahay namin na may bintana at covered pa ng bubong. Good luck kung may pumtak na ulan. Wala ring upuan sa tabi ng bintana namin so effort namang magemote dun di ba?!

Wala kasi akong magawa sa office kaya nangalikot na lang ako ng shared files sa network. Tingin-tingin ng pictures. Naghahanap ng mapagkakaabalahan. Dun ko nakita ang mp3 collection ng boss ko. Nalula ako sa dami ng collection niya at halos lahat mga paborito ko. Ang masaklap, mas maraming kanta na sumikat nung 90's kaya mas lalo akong nakarelate. Emote-mode On.

Naalala ko nung high school ako ang pinaka-unang album na binili ko eh tape copy ng After Image na Tag-araw Tag-ulan. Kumpleto ang boss ko nun. Nakakatuwa. Ang dami ko rin kasing nabiling tape mula nung high school ako. Alanis Morisette, Savage Garden, Lighthouse Family, Bone Thugs 'N Harmony, Lea Salonga, Gary Valenciano, Martin Nievera, Regine Velasquez. Huli na akong nagkaron ng CD player, sa PC pa yun (hindi portable) kaya ang pinaka unang binili kong CD eh R2K ni Regine. Oh, walang magrereact. Walang pakialaman pera ko naman eh. Di ba nagbabadya!

Pero bago pako nangolekta ng mga tapes at CDs (at kalaunan mp3s) bata pa lang ako ini-enjoy ko na collection ng Mama ko. Naaalala ko pa yung iba't ibang tapes niya ng Boney M. Eh ni isang kanta nga ng or ni (di ko alam kung grupo sila o solo artist) Boney M. hindi ko alam eh. Pero bata pa lang ako binibirit ko na ang One Moment in Time ni Whitney Houston. Kwidaw ka, may kasamang mic yan! (K! The one million pesos videoke challenge, Panalo!).

Dalawang mic nga na hiniram ko pa sa kapitbahay namin ang nasira ko nun. Etong si Mama nung nasira nagpaka technician pa. Kinalikot ang mic. Sa halip na may piyesa lang na bibilhin para maayos, basurahan ang nakinabang sa kagagawan niya. Nilibot pa nga namin ang Recto noon para maghanap ng pampalit sa mic ng kapitbahay namin. Buti na lang nagpadala ng mic si Papa galing Saudi at yun ang pinampalit namin sa hiniram namin. Ang ending, wala na naman akong magamit na mic. Pero siyempre bago ko binigay ang mic sa kanila, bumirit muna ako ng One Moment in Time at We Are The World. Ang saya di ba! Ang taas pa ng boses ko noon. Giiiiiiiivvvvvvvveeeee meeeeeeee ooonnnnnneeee mmmoooommmeennnttt IIIINNNNN tiiimmmmeeee. May emphasis sa IN. Ewan ko ba kontrabida ang Mama ko. Talagang hindi daw ako nagmana sa boses niya. Sintonado daw talaga ako. Paki ko! (Pero love ko Mama ko ah).

So ayun na nga, ang dami kong song na may-I-play sa iTunes. Magugulat ka. Sa collection ng boss ko nakasali pa si Lilet (Kaibigan Lang Pala). Nakakatuwa di ba. Eh grade six pako nun eh. Tapos may Donna Cruz, Odette Quesada, Raymond Lauchengco, Smokey Moutain at iba pang late 80's and early 90's. Mabuti nga at walang Pilita Corales at Armida Siguion Reyna (Pop lola amputah!)... Aaaawwwiiitaaann kitaahhhhhh...

Meron din siyang Ace of Base (Beautiful Life, All That She Wants). Shania Twain (You're Still The One). Aaron Carter (I'm All About You, I'm Gonna Miss You Forever). The Moffatts (I'll Be There For You, Girl of My Dreams, If Life Is So Short). Hayyy... eto yung mga kantang sikat nung first time kong makapasok sa ABS-CBN at manood ng taping ng Okidoki Doc, Home Along Dariles at live show ng Sang Linggo nAPO Sila. Tumambay pa kami sa director's booth. Doon ako nagsimulang mangarap makapagtrabaho sa Entertainment Industry. Ang sarap-sarap balikan ng mga panahong iyon...

Marami akong mga desisyon sa buhay na ginawa ko dala lang ng pagkakataon. May mga bagay at pangarap na hindi ko natupad dahil sa mga pangyayaring iyon. Hanggang ngayon nangangarap pa rin akong mapabilang sa production side ng entertainment industry. Hanggang ngayon nangangarap pa rin akong bumirit ng One Moment in Time. At hanggang ngayon kapag nakakarinig ako ng mga 90's song... di ko pa ring maiwasang mag-emote.

Sa ngayon walang patak-ulan, mainit sa labas. May upuan pero wala sa bintana. Andito ako nag-eemote. Headset sa tenga. Pikit-mata. Sway ng konti... sa tapat ng monitor... dito... sa opisina... HOY MAGTRABAHO KA!