
Ang musika nga para saken ay isang imbensiyong "time-capsule". Na hindi tapos. Papano ba naman hanggang balik-tanaw lang ang nagagawa nito. Di yata natapos ng nakaimbento sa kapapanood ng Mara Clara at Aguila. Minsan kasi mas gusto ko pang wag na lang maramdaman yung mga nakaraan, maganda man o pangit, kung di ko naman pwedeng balikan. Mas gusto kong mabuhay sa ngayon.

Again, ideya lang yun ng senti-mode. Iisa lang naman kasi ang area sa bahay namin na may bintana at covered pa ng bubong. Good luck kung may pumtak na ulan. Wala ring upuan sa tabi ng bintana namin so effort namang magemote dun di ba?!
Wala kasi akong magawa sa office kaya nangalikot na lang ako ng shared files sa network. Tingin-tingin ng pictures. Naghahanap ng mapagkakaabalahan. Dun ko nakita ang mp3 collection ng boss ko. Nalula ako sa dami ng collection niya at halos lahat mga paborito ko. Ang masaklap, mas maraming kanta na sumikat nung 90's kaya mas lalo akong nakarelate. Emote-mode On.

Pero bago pako nangolekta ng mga tapes at CDs (at kalaunan mp3s) bata pa lang ako ini-enjoy ko na collection ng Mama ko. Naaalala ko pa yung iba't ibang tapes niya ng Boney M. Eh ni isang kanta nga ng or ni (di ko alam kung grupo sila o solo artist) Boney M. hindi ko alam eh. Pero bata pa lang ako binibirit ko na ang One Moment in Time ni Whitney Houston. Kwidaw ka, may kasamang mic yan! (K! The one million pesos videoke challenge, Panalo!).
Dalawang mic nga na hiniram ko pa sa kapitbahay namin ang nasira ko nun. Etong si Mama nung nasira nagpaka technician pa. Kinalikot ang mic. Sa halip na may piyesa lang na bibilhin para maayos, basurahan ang nakinabang sa kagagawan niya. Nilibot pa nga namin ang Recto noon para maghanap ng pampalit sa mic ng kapitbahay namin. Buti na lang nagpadala ng mic si Papa galing Saudi at yun ang pinampalit namin sa hiniram namin. Ang ending, wala na naman akong magamit na mic. Pero siyempre bago ko binigay ang mic sa kanila, bumirit muna ako ng One Moment in Time at We Are The World. Ang saya di ba! Ang taas pa ng boses ko noon. Giiiiiiiivvvvvvvveeeee meeeeeeee ooonnnnnneeee mmmoooommmeennnttt IIIINNNNN tiiimmmmeeee. May emphasis sa IN. Ewan ko ba kontrabida ang Mama ko. Talagang hindi daw ako nagmana sa boses niya. Sintonado daw talaga ako. Paki ko! (Pero love ko Mama ko ah).

Meron din siyang Ace of Base (Beautiful Life, All That She Wants). Shania Twain (You're Still The One). Aaron Carter (I'm All About You, I'm Gonna Miss You Forever). The Moffatts (I'll Be There For You, Girl of My Dreams, If Life Is So Short). Hayyy... eto yung mga kantang sikat nung first time kong makapasok sa ABS-CBN at manood ng taping ng Okidoki Doc, Home Along Dariles at live show ng Sang Linggo nAPO Sila. Tumambay pa kami sa director's booth. Doon ako nagsimulang mangarap makapagtrabaho sa Entertainment Industry. Ang sarap-sarap balikan ng mga panahong iyon...
Marami akong mga desisyon sa buhay na ginawa ko dala lang ng pagkakataon. May mga bagay at pangarap na hindi ko natupad dahil sa mga pangyayaring iyon. Hanggang ngayon nangangarap pa rin akong mapabilang sa production side ng entertainment industry. Hanggang ngayon nangangarap pa rin akong bumirit ng One Moment in Time. At hanggang ngayon kapag nakakarinig ako ng mga 90's song... di ko pa ring maiwasang mag-emote.
Sa ngayon walang patak-ulan, mainit sa labas. May upuan pero wala sa bintana. Andito ako nag-eemote. Headset sa tenga. Pikit-mata. Sway ng konti... sa tapat ng monitor... dito... sa opisina... HOY MAGTRABAHO KA!
2 comments:
Paraiso...take me by the hand...
Paraiso...make the world understa---hand...that if I can be a single bird, what a joy! Achu-chu-chu-chu...
hahaha...tamang trip fwend...amishu...kelan na muni natin? :-)
Hahaha Fwend... i-set natin yan. Ang sarap talaga mag muni... :)
Post a Comment